Ito ang kauna-unahan kong blog na isusulat ko sa Tagalog. Bakit nga ba hindi? Sa aking palagay, ang unang hakbang sa pagmamahal sa bayan ay ang paggamit sa sariling wika. Ito rin ang paniniwala ng ating pambansang bayani, si Jose Rizal. Ang pagsasalita ng Ingles ay hindi basehan ng katalinuhan. Lahat tayo ay may tungkulin at pananagutan sa bayan. Walang maliit or malaking trabaho - lahat tayo ay pantay pantay ang tungkulin sa bayan. Ang mga doktor ay may tungkulin magpagaling ng may sakit, hindi mas mataas kundi kapantay ng tungkulin ng mga magsasaka na magtanim at mag-ani ng bigas at ibang pananim na makakain ng bayan. Ang mga abogado ay may tungkuling ipagtanggol ang naaapi at pairalin ang katarungan, hindi mas mataas kundi kapantay ng tungkulin ng mga tsuper na dalhin ang mga mamamayan ng ligtas sa kanilang paroroonan. Kung hindi gagawin ng isa sa atin ang kanilang tungkulin ng tama, hindi magtatagumpay ang ating bayan. Kung patuloy tayong pupunta at maninirahan sa ibang bansa, sino ang makikinabang sa ating pinag-aralan at angking talento? Hindi ko hinuhusgahan ang mga taong umaalis ng bansa. Kapag pamilya ang pinag-usapan, maiisang tabi ang bayan, at susuungin ang kahit ano para sa mas ikabubuti ng pamilya. Marami rin akong kakilala na nangingibang bayan pero buhay na buhay ay pagiging Pilipino at meron din namang mga taong nananatili dito sa ating bansa ngunit walang ginawa kundi magreklamo, magsawalang kibo, at manlamang.
Napunta tayo sa nanlalamang - mahiya naman po tayo sa mga kapos palad na kabataang naglalakad ng 5 oras makapag-aral lamang na ang dadatnan na paaralan ay wala man lang aklat. Hindi po ba sa kanila nakalaan ang buwis na ating binabayaran? Mahiya naman po tayo sa mga tsuper na pagod ang katawan araw araw may kaunting salapi lamang na mauwi sa kanilang pamilya dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina. Mahiya naman po tayo sa mga guro na tumatawid ng bundok at inilalagay sa panganib ang buhay magawa lang ang kanilang sinumpaang propesyon. Hindi po ba kailangang sila ang taasan ng sweldo dahil ang kinabukasan ng kabataan ay nakasalalay sa kanilang pagtuturo? Mahiya naman po tayo sa mga batang lansangan na hindi marating ng tulong dahil napapagbintangang ginagamit lang ng mga magulang. Ito ba'y kanilang kasalanan? Hindi sa aking palagay. Mahiya naman po tayo sa mga may kapansanan na patuloy pa ding nagmamasahe at kung ano ano pa para maging kapaki pakinabang sa lipunan. Hindi po ba bahagi ng ating buwis ay dapat nakalaan sa pagpapaunlad ng ating mga pagamutan at programang pangkalusugan?
Ang problema ng Pilipinas ay masalimuot na, hindi mo na malaman kung saan nag-umpisa at nag sanga sanga. Ngunit kahit anong problema ay may solusyon basta lahat ay gagawin ang kanyang tungkulin. Sa mga manggagawa, sulitin po natin ang ibinabayad sa atin ng ating mga kumpanya. Sa mga propesyonal, gawin po natin ng tama ang ating sinumpaang bokasyon. Sa mga kumandidato at "nangako" ng paglilingkod sa bayan, MAGLINGKOD tayo ng tapat sa bayan at sa lahat ng mamamayan, mahalin natin ang ating bayan. Tayo'y makialam. Huwag tayong umasa sa kung ano ang magagawa ng ating pamahalaan. Ipagmalaki natin at gawin itong karapat dapat ipagmalaki. Atin itong bayan, ating tahanan. Mahalin natin ang ating tahanan.
Ilang EDSA ba ang ating kailangan? Sa aking palagay, kahit ilang EDSA ang pagsama samahan natin, walang magbabago kung ang diwang Pilipino ay hindi magbabago. Aralin nating wag magreklamo kundi gumawa ng paraan. Aralin nating wag matakot sa panganib na dala ng pagsangga sa kasamaan. Hindi magwawagi ang kasamaan kung ito'y ating lalabanan. Aralin nating paghirapan ang lahat at huwag manlamang. Aralin nating makuntento sa kung anong meron tayo at pagyamanin ito. Aralin nating huwag mainggit sa iba at paghusayan ang ating bawat hakbang. Aralin nating mahalin ang ating bayan at huwag ikahiya. Tandaan nating tayong mga mamamayan ang sumisira sa ating bayan hindi ang ating bayan. Aralin nating maging Pilipino - mas mabuting Pilipino...
No comments:
Post a Comment